ISTORYA NG PUTA...
(Don't know who wrote this but... ang galing at tumatalab talaga…!!!)
Tingin ng mga bobong kapitbahay ko puta daw ako. Nagpapagamit,
binabayaran. Sabi nila ako daw ang pinakamaganda at pinakasikat sa
aming lugar noon. Ang bango-bango ko daw, sariwa at makinis. Di ko nga
alam kung sumpa ito, dahil dito naletse ang kinabukasan ko.
Halika at makinig ka muna sa kwento ko.
Alam mo, maraming lumapit sa akin, nagkagusto, naakit. Sikat ka sa
lahat, virgin eh! Tinanggap ko naman silang tao, bakit kaya nila ako
ginago? Masakit alalahanin, iniisip ko na lang na kase di sila taga
rito, siguro talagang ganoon. Tatlong malilibog na foreigners ang
namyesta sa katawan ko, na-rape daw ako?
Sa tatlong beses akong nagahasa, ang pinakahuli ang di ko
makakalimutan. Parang maski di ko ginusto ang mga nangyari,
hinahanap-hanap ko siya. Tinulungan nya kasi akong makalimutan yung mga
sadistang Hapon at Kastilaloy. Kase, ibang-iba ang hagod niya. Umiikot
ang mundo ko sa tuwing ginagamit niya ako. Ibang klase siya mag-sorry,
lalo pa at kinupkop niya ako at ang mga naging anak ko.
Parating ang dami naming regalo - may chocolates, yosi, at ano ka… may
datung pa! Nakakabaliw siya, alam kong ginagamit nya lang ako pero
pagamit naman ako nang pagamit. Sa kanya namin natutunan mag-Ingles, di
lang magsulat ha! Magbasa pa! Hanggang ngayon, sa tuwing mabigat ang
problema ko, siya ang tinatakbuhan ko. 'Yun nga lang, lahat ng bagay
may kapalit. Nung kinasama ko siya, guminhawa buhay namin. Sosyal na
sosyal kami.
Ewan ko nga ba, akala ko napapamahal na ako sa kanya. Akala ko
tuloy-tuloy na kaligayahan namin, yun pala unti-unti niya akong
pinapatay. P*** ng I**! Sa dami ng lason na sinaksak niya sa katawan
ko, muntik na akong malaspag. Ang daming nagsabi na ang tanga tanga ko.
Patalsikin ko na daw. Sa tulong ng mga anak ko, napalayas ko ang animal
pero ang hirap magsimula.
Masyado na kaming nasanay sa sarap ng buhay na naranasan namin sa
kanya. Lubog na lubog pa kami sa utang, kulang ata pati kaluluwa namin
para ibayad sa mga inutang namin.
Sinikap naming lahat maging maganda ang buhay namin. Ayun, mga nasa
Japan, Hong Kong, Saudi ang mga anak ko. Yung iba nag-US, Europe. Yung
iba ayaw umalis sa akin. Halos lahat, wala naman silbi, masaya daw sa
piling ko, maski amoy usok ako.
Sa dami ng mga anak ko na nagsisikap na tulungan ang kalagayan namin,
siya din ang dami ng mga anak ko na namamantala sa kabuhayan at kayaman
na itinatabi ko para sa punyetang kinabukasan naming lahat. Dumating
ang panahon na di na kami halos makaahon sa hirap ng buhay. Napakahirap
dahil nasanay na kami sa ginhawa at sarap.
Ang di ko inaakala ay mismong mga anak ko, ang tuluyang sisira sa akin.
Napakasakit tanggapin na malinlang. Akala ko ay makakakita ako ng
magiging kasama sa buhay sa mga ahas na ipinakilala ng mga anak ko.
Hindi pala. Ang tanga ko talaga. Binugaw ako ng sarili kong mga anak
kapalit ng kwarta at pansamantalang ginhawa na nais nilang matamasa.
Wala na akong nagawa dahil sa sobrang pagmamahal ko sa aking mga anak.
Wala akong ibang yaman kundi ganda ko. Pinagamit ko na lang ng
pinagamit ang sarili ko, basta maginhawa lang ang mga anak ko.
Usap-usapan ako ng mga kapitbahay ko. May nanghihinayang, namumuhi at naaawa. Puta na kase ang isang magandang tulad ko.
Alam mo, gusto ko na sanang tumigil sa pagpuputa kaso ang laki talaga
ng letseng utang ko eh. Palaki pa ng palaki. Kulang na kulang. Paano na
lang ang mga anak ko naiwan sa aking punyetang puder? Baka di na ako
balikan o bisitahin ng mga nag-abroad kong mga anak. Hindi na
importante kung laspagin man ang ganda ko, madama ko lang ang
pagmamahal ng mga anak ko. Malaman nila na gagawin ko ang lahat para sa
kanila.
Sa tuwing titingin ako sa salamin, alam ko maganda pa rin ako. Meron pa
din ang bilib sa akin. Napapag usapan pa din. Sa tuwing nakikita ko ang
mukha ko sa salamin, nakikita ko ang mga anak ko. Tutulo na lang ang
mga luha ko ng di ko namamalayan. Ang gagaling nga ng mga anak ko,
namamayagpag kahit saan sila pumunta. Mahusay sa kahit anong gawin.
Tama man o mali. Proud ako sa kanila. Kaso sila, kabaligtaran ang
nararamdaman para sa akin.
Sa dami ng mga anak ko, iilan lang ang may malasakit sa akin. May
malasakit man, nahihilaw. Ni di nga ako kinikilalang ina. Halos lahat
sila galit sa isa't isa. Walang gusto magtulungan, naghihilahan pa. Ang
dami ko ng pasakit na tiniis pero walang sasakit pa nung sarili kong
mga anak ang nagbugaw sa akin. Kinapital ang laspag na ganda ko.
Masyado silang nasanay sa sarap ng buhay. Minsan sa pagtingin ko sa
salamin, ni hindi ko na nga kilala ang sarili ko.
Dadating na naman ang pasko, sana maalala naman ako ng mga anak ko.
Ilang buwan pa, magbabagong taon na. Natatakot ako sa taong darating.
Ngayon pa lang usap usapan na ang susunod na pagbubugaw ng ilan sa mga
anak ko. Sana may magtanggol naman sa akin, ipaglaban naman nila ako.
Gusto kong isigaw: "INA NINYO AKO! MAHALIN NYO NAMAN AKO!"
Salamat ha, pinakinggan mo ako.
Ay sorry, di ko pala nasabi pangalan ko.
PILIPINAS nga pala pangalan ko!
Recent Comments